This was a homily I delivered to the postnovices of Canlubang on August 7, 2002 when I was a young priest. This homily is on the Gospel of today, August 9, 2023.
21 Umalis doon si Jesus at nagpunta sa lupaing malapit sa Tiro at Sidon. 22 Isang Cananea na nakatira doon ang lumapit sa kanya na sumisigaw, “Panginoon, Anak ni David, maawa po kayo sa akin! Ang anak kong babae ay sinasapian ng demonyo at labis na pinapahirapan nito.”
23 Ngunit hindi sumagot si Jesus. Lumapit ang kanyang mga alagad at sinabi kay Jesus, “Paalisin na nga po ninyo siya. Napakaingay niya at sunod nang sunod sa atin.” 24 Sumagot si Jesus, “Sa mga naliligaw na tupa ng sambahayan ng Israel lamang ako isinugo.” 25 Ngunit lumapit sa kanya ang babae, lumuhod ito at nagmakaawa, “Tulungan po ninyo ako, Panginoon.”
26 Sumagot si Jesus, “Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga bata at ibigay sa mga aso.”
27 “Totoo nga, Panginoon. Ngunit ang mga aso man po ay kumakain ng mumong nalalaglag sa hapag ng kanilang panginoon,” tugon ng babae. 28 At sinabi sa kanya ni Jesus, “Ginang, napakalaki ng iyong pananampalataya! Mangyayari ang hinihiling mo.” At noon di'y gumaling ang kanyang anak. (Matt 15:21-28)
Kahapon [August 6, 2002], nabalitaang may dalawang Filipina na ang namatay dahil sa digmaan ng mga Palestino laban sa mga taga-Israel. Kagabi, may nasugatan na naman daw na Filipina. Ang laking gulo, matinding hidwaan—sa bayan mismo kung saan isinilang, lumaki, nabuhay, namatay, at muling nabuhay si Hesus!
Noon pa mang panahon ni Hesus, matindi na ang hidwaan—ayaw tanggapin ng mga Hudyo ang ibang mga lahi. Ang tawag nila sa mga ito ay “aso.”
Isang napakahalagang detalye sa Ebanghelyong nabasa ngayon ay kung saan nangyari ang eksena: Tiro at Sidon. Bakit? Kasi hindi ito teritoryo ng mga Hudyo. Hindi na ito bahagi ng bayan ng Israel. Sa Ingles, “Gentile country.”
Dumating ang isang Cananea (isang babaeng taga-Canaan) at tumawag kay Hesus: “Panginoon, Anak ni David, maawa po kayo sa akin! Ang anak kong babae ay sinasapian ng demonyo at labis na pinapahirapan nito.” Narito ang tugon ni Hesus: “Sa mga naliligaw na tupa ng sambahayan ng Israel lamang ako isinugo…. Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga bata at ibigay sa mga aso.” Hindi natin alam kung ano ang tono ng pananalita ni Hesus. Ngunit ang ganda ng sinabi ng babae: “Totoo nga, Panginoon. Ngunit ang mga aso man po ay kumakain ng mumong nalalaglag sa hapag ng kanilang panginoon.” At pinuri siya ni Hesus dahil sa kanyang dakilang pananampalataya.
Sa atin ipinakikita ni Hesus na ang kanyang pagliligtas ay para sa lahat. Isang bagay ang dapat nating tandaan: Si Hesus, walang kinikilingan; kay Hesus, walang mga “bias”, walang mga “prejudice.”
Marahil, bilang mga relihiyoso, wala na sa atin ang mga bagay na ito dahil bukas tayo para sa lahat ng tao. Pero bilang mga Salesyano, ang dapat kinikilingan natin ay ang mga mas kawawa: iyon bang mga kabataang nakikita natin na walang kasama kapag tayo ay nag-aassist. Marahil ikaw ang kaibigan na hinihintay nila! Ganyan si Hesus! He broke the biases of his times and healed the daughter of the woman.
At ipagdasal din natin ang kapayapaan sa lupang tinubuan ng ating Panginoon. Nawa’y tumigil na ang labanan at maghari na ang kapatiran.
(August 7, 2002)
Comments